3 pulis Las Piñas, kinasuhan ng robbery
From journal.com.ph:
SINAMPAHAN kahapon ng pulisya ng kasong pagnanakaw ang tatlong kagawad ng Las Piñas police dahil sa umano’y pagtangay ng malaking halaga ng salapi at cellphone sa loob ng bahay na kanilang sinalakay noong Sabado ng gabi sa Pasay city.
Ibinatay ni PO3 Rodolfo Suquina Jr., imbestigador ng Pasay Police Investigation Division, ang paghahain ng kaso sa Pasay City Prosecutors Office laban kay PO1 Leonardo Angio at dalawa pa niyang kasamahang pulis na hindi pa nakikilala sa reklamo ng 56-anyos na biyuda na naninirahan sa pinasok nilang bahay sa Block 4, Lot 8, Saint Rita St. Bgy. Maricaban, dakong alas-11:30 ng gabi noong Sabado.
Ayon sa salaysay ng biyudang si Maria Rebalde, nasa loob siya ng kanyang inuupahang silid nang makarinig siya ng kaguluhan sa labas sanhi ng ginawang pagsalakay ng pulisya sa hinihinalang lungga ng mga drug pushers sa kanilang lugar.
Sa takot na madamay, ikinandado ni Rebalde ang kanyang inuupahang silid at nang papalabas na siya ng bahay ay nasalubong pa niya si Angio na umano’y dating pulis-Pasay, kasama ang dalawa pang nakasibilyang pulis na kapuwa may hawak na baril na pumasok at umakyat sa kabahayan.
Sinabi ni Rebalde na pinuntahan din siya ng kanyang anak na si Maricel, 29, nakatira sa 837-B I. Santos St. Malibay, nang mabalitaan ang kaguluhan sa kanilang lugar at nakita nito ang ginawang pagwasak nina Angio sa kandado ng inuupahan niyang silid.
Matapos ang pagsalakay, natuklasan ni Rebalde na nawawala ang P25,000 cash at P17,000 na halaga ng cellphone na ipinadala sa kanya ng anak na nagtatrabaho sa Japan. Edd Reye
Recent Comments