Bikini Open, sinalakay ng mga otoridad dahil umano sa pambubugaw

From abs-cbn:

By Mike Delizo

 

MANILA – Napigilan ng mga otoridad ang umano’y tangkang pambubugaw sa ilang mga babae, kabilang ang tatlong menor de edad sa ‘Bikini Open’ na ginanap sa isang resort sa Muntinlupa City.

Ikinasa ng pinagsanib na pwersa ng NBI Anti-Human Trafficking Division, Muntinlupa City Police at City Social Welfare ang operasyon sa Angelis Resort sa Brgy. Poblacion.

Mahigit 100, na karamihan ay mga lalaki, ang dinampot at dinala sa police station para humarap sa interogasyon nang abutan silang nag-iinuman at nanonood ng tinaguriang ‘Bikini Open’. Pinakawalan din sila kalaunan.

 Ayon kay Police Sr. Supt. Dante Novicio, hepe ng Muntinlupa Police, isang magulang ang dumulog sa NBI kaugnay sa naturang event na sasalihan umano ng kanyang anak.

Sinasabing ‘for a cause’ ang naturang ‘Bikini Open’ na naglalayon diumanong makaipon ng pera para sa isang may sakit, pero ayon kay Novicio, ipinara-raffle dito ang mga babae para i-take home.

Sa internet umano ibinebenta ang mga ticket sa halagang isang libong piso ang isa.

Nasagip ang nasa 10 babae, kabilang ang 3 menor de edad.

Pitong organizer ang ikinulong, kabilang ang head na si Girlie Santos, na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa anti-trafficking in persons act at anti-child abuse law.

Bukod pa sa kanila, apat rin na lalaki ang inaresto (Henry Alfiler, Jonathan Or, Jeffrey Santiago, Mariano Paular, Jr.) matapos mahulihan ng hindi lisensyadong baril at mga bala.

Dinala naman sa kustodiya ng City Social Welfare ng Muntinlupa ang mga na-rescue na babae.

 

You may also like...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.