Dengue epidemic, tila nalimutan na

Mr. Rey V. Constantino

Reyklamador/Taliba

Natabunan at mistulang nasapawan na ng mga ibang nagbabagang balita ang dengue epidemic na ikinasawi ng mahigit 500 katao nitong taong ito. Umiral na naman kasi ang isa pang malalang sakit ng Pinoy, ang sakit na kalimot. 

Matatandaan na kamakalilan lang ay di tayo magkandaugaga dahil sa matinding perwisyong dulot ng dengue pero heto at kahit isang katerba na ang nasementeryo ay mukhang papetik-petik na naman tayo.  Tila mas importante pa ngayon sa atin kung nagkahiwalay na nga ba si Claudine Barreto at Raymart Santiago  o kung tutoo ang mga nalalathalang chika na may namamagitan kay Piolo Pascual at Enchong Dee.

            Nuong huli kong silipin ang talaan ay lumobo na sa 84,000 ang kaso ng dengue sa ‘Pinas mula lamang Enero hanggang Agosto. Tinatayang aangat pa ang bilang na ito dahil sa pagpasok ng tagulan na kung saan inaasahang ma-i-instant replay ang  pagsiguada sa  ospital  ng mga dengue victim na karamihan  ay sa mga pasilyo na ng pagamutan matetengga sanhi ng kakulangan sa ispasyo’t  pasilidad. 

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, ang mga kasong ito ay mahigit 50 porsyento ang inilobo kung ihahambing sa mga tinamaan ng dengue noong nakalipas na taon. Ayon pa sa kalihim, karamihan sa mga biktima ay mga batang  paslit na walang kalaban-laban sa kinakatakutang sakit.  

Ang masakit nito ay marami sanang buhay ang nailigtas kung may sapat na kaalaman ang ating mga magulang ukol sa pag-iwas sa dengue. Halimbawa, alam nyo ba na mapanganib ang pagbibigay ng aspirin o kaya ng non-stroidal anti-inflammatory drugs (insaids) tulad ng ibuprofen sa mga biktima ng dengue?  Ito ay ayon sa pagaaral ng World Health Organization (WHO) kung saan lumalabas na mas mabisa at ligtas  panlaban sa dengue ang paracetamol para sa lagnat, at mahalaga din daw na dapat ang dosage ay i-ayon sa timbang ng mga bata at hindi base sa kanilang edad.  Sa aking pakiwari maraming ina ang hindi nakaaalam nito.   

Sa kanilang pananaliksik,  napagalaman din ng WHO na ang ibang fever medicine ay nakapagpapalala ng hemorrhagic fever  na baka maging sanhi pa  ng pagkamatay ng ginagamot, lalo na’t kung ang pasyente ay nasa murang edad pa.  Aba’y buhay ang nakataya dito kaya naman dapat maging mapili ang mga nanay sa pagbili ng gamot para kay boy at baby.  

   Kaya naman okey sa mga Reyklamador ang ginagawang hakbang ng pamahalaan na unahing asikasuhin ang mga paaralan. Sabi nga ng ating kalihim ng edukasyon na si Bro. Armin Luistro, “Kung hindi natin masusugpo ang dengue sa loob ng paaralan, hindi natin ito masusugpo sa buong bayan.”

Bagama’t kabi-kabila at hindi nagkukulang ang  (DOH) sa paalala ukol sa wastong pag-iwas sa sakit na ito, patuloy pa rin ang mga pasaway sa pagbabalewala sa apat na iwas-dengue tips na dapat ay matagal na nating nakabisote. Una dito ay ang pagtatapon ng mga naiimbak na tubig na maaring pamahayan ng mga lamok; pangalawa ay ang paggamit ng mosquito repellant at pagsusuot ng mga damit na nakapagbibigay proteksyon kontra kagat ng dengue carrying mosquito; pangatlo ay ang pagkonsulta kaagad sa doktor sa unang  tanda pa lamang ng sakit tulad ng rashes, mataas na lagnat, matinding  sakit ng ulo at pagdurugo ng ilong, at panghuli ay  ang pagtanggi sa sobrang fogging sa kanilang lugar.     

Pero ano pa man ang ating sabihin, ang pinakamaganda ay huwag tayong maging Juan Tigas Ulo.   Sumunod sa paalala ng DOH, maging malinis at maingat sa katawan at kapaligiran para iwas pusoy din tayo sa malaking gastos sa doktor, gamot at ospital.   Ika nga ng gasgas na gasgas nang paalala, “ An ounce of   prevention is better than an pound of cure.”  Ibig sabihin, iwasan na bago pa man mangyari.

Today’s pulitiko special:  Tama lamang ang ginawang panenermon ni Interior Undersecretary and Mindanao peace talk adviser Teresita Quintos-Deles kay Lanao del Sur Rep. Fatimah Aliah Dimaporo sa budget hearing sa Kongreso. Nakaugalian na kasi ng marami sa ating kinatawan na pumunta sa mga pandinig nang hindi man lang pinagaaralan ang paguusapan. Ngayon parang mga batang paslit ang mga Muslim congressman at gustong alisin sa pwesto si  Deles.  Susmaryosep, kapag nabibisto ang kanilang katangahan e wala silang alam kundi tanggalan ng budget o pagtulungan ang kanilang kalaban kahit ito ay nasa tuwid na landas.  Mag-aral kayo! #######

You may also like...