Illegal Parking inside BF Homes Paranaque–who else are annoyed?
From Remate:
by Inside Motoring/Eggay Quesada
Sep 22, 2012 12:39pm HKT
TAONG 2011 ko nakita sa Barangay. San Antonio, Makati ang mga nagkalat na tambay na naniningil ng parking fess na walang resibo.
Hanggang ngayon ganyan pa rin ang kalakaran d’yan. Pag hindi ka nagbayad ay malamang may bagong gasgas o tama ang iyong sasakyan. Pati si Tatay na may sari-sari store d’yan sa Guijo Street ay gising na gising pagsapit ng dilim dahil sa aking palagay ay mas malaki pa ang kinikita niya sa illegal parking fees kesa sa kanyang tindahan. Wala naman magawang aksyon si Kapitana Rosario Go dahil ang sabi nga ng anak ng kanyang kaibigan e laging out of the country naman si Kapitana. Tsk tsk.
Ngayon, pati sa mismong barangay kung saan ako lumaki, ang patuloy na umuunlad na komersyo ng Brgy. BF Homes ay may kasabay na mga oportunistang mga walang silbi kundi ang magpalimos. Sa kahabaan ng Aguirre Avenue sa Barangay BF Homes, Paraṅaque ay talamak ang mga ganito. Ang nasabing kalsada ay ang aming bersyon ng Makati Avenue ng Makati at Tomas Morato ng siyudad Quezon. Sunod-sunod ang mga kainan at inuman. Food strip at bar strip ika nga. Maganda sana ito sa mga residente at pati na rin sa mga taga-karatig bayan. Ngunit pagsapit ng gabi at gusto mong kumain o uminom ng malamig na cervesa ay haharangin ka muna ng mga illegal parking attendant.
Ilegal kasi wala silang resibo at may fixed rate silang hinihingi. Ang kakapal ng mukha ano. May mga signboard pa silang maliliit na nakalagay “PARKING.” At pag hindi ka nagbayad ay ganun na nga, gagasgasan o yuyupian ang iyong sasakyan. Parang yung nangyari sa akin sa Guijo St. sa Makati, nawalan ng kaliwang headlight wiper ang aking sasakyan. Wala pang isang linggo’y bumalik ako ulit at yung kanan naman ang ninakaw. Talaga nga naman.
Alam niyo ba na bawal ang kanilang ginagawa. Meron po tayong PD 1563 o ang Anti-Mendicancy Law na 1978 pa naisabatas. Bagama’t ang bente pesos na penalty ay napakababa na ngayon ay may kasamang pagkakakulong ito ng hindi hihigit sa dalawang taon para sa 1st offense at hindi hihigit sa apat na taong pagkabilanggo naman para sa 2nd offense.
Maliwanag sa PD 1563 na BAWAL ANG MAGLIMOS at MAGPALIMOS. Bakit po tayo napunta sa batas na ito? Dahil ang mga parking attendants ay wala namang resibo. Hindi naman nila pag-aari ang mga bakanteng lote at mga business establishments na kanilang tinatayuan. At hindi rin sila awtorisado ng mga rightful owners para sumingil ng parking fee. E anong itatawag natin diyan?
Hindi ba mga nagpapalimos? Beggars! Mga taong pag hinuli mo ay walang ibang linya kundi “kawawa naman po kami.” Asus! Karamihan sa inyo’y malalaki pa ang katawan kesa sa akin. Bakit hindi kayo maghanap ng lehitimong pagkakakitaan ng pera.
Ang mga kasagutan ni Brgy. BF Homes Chairman Jeremy Marquez at 2nd District Councilor Benjo Bernabe sa susunod na Linggo.
Recent Comments