Maynilad diggings, kalbaryo
Mr. Rey V. Constantino
Reyklamador/Taliba
Kung baga sa plaka ay tila long playing ang tinutugtog ng Maynilad sa pagkakamada nila ng linya ng tubig sa kahabaan ng Zapote-Alabang road. Kaya naman napapraning na ang mga dumadaan doon dahil sa usad pagong na monster trapik mula Zapote, Las Pi?as hanggang Alabang, Muntinglupa. Pulutong ang mga taong gumagamit ng ZA road sa araw araw na ginawa ng Diyos kaya naman mala-sardinas ang mga sasakyan dito sa tuwing iluluwa sila ng napakaraming subdivision na kaliwa’t kanang nakatirik sa dalawang siyudad.
Nagsimula ang kalbaryo ng mga residente nang walang patumanggang bungkalin ng walang warning noong isang taon ang ilang parte ng ZA road ilang buwan bago mag-pasko. Sa gitna pa man din ng kalsada sila naglalatag ng kanilang mga tubo at siyempre nasa gitna din ang kanilang mga heavy equipment at barikada. Resulta: ang dati nang sukdulan ng trapik na lugar ay nagmistulang hinalong kalamay. Marami pa namang buwang na drayber ng bus at dyipni ang pumapasada sa sumikip na kalsada. Tila naging katuwaan na nila ang siksikin at gitgitin ang mga kawawang maliliit at magagarang sasakyan na walang magawa kundi magpasulot na lang.
Ang masama pa nito ay ang mga dating namumuktati sa ilaw na mga barikadang nakapalibot sa mga malalaim nilang hukay ay mistulang driving hazard na ngayon. Sino kayang Herodes ang nagpaalis ng warning lights doon? Medyo may kadiliman pa naman ang kahabaan ng kalsadang ito kaya’t hindi ako magtataka kung isang araw ay may sumemplang na lang na mga sasakyan sa dyan sa mga Maynilad diggings.
Kailan kaya matatapos ang pagpapahirap ng Maynilad sa mga residente ng dalawang siyudad? Sabi ng mga nakapaskel sa diggings na malapit na raw dumaloy ang ginhawa pero ang daloy ng trapik naman ang sumikip. At tila nagtitipid pa sa budget. kapansin-pansin kasing tila kakarampot ang mga trabahador sa mga construction site. Nangangamba tuloy ang mga motorista na sa pagpasok ng tag-ulan ay baka lalong magkawindang-windang ang dati nang konsumisyong trapik roon.
Sana ay huwag naman itong mangyari dahil matagal nang nag-umpisa ang kalbaryo ng ating mga kapatid, kapuso at kapamilya doon. Ibaon na lang kaya sila sa mga hinukay nilang butas? Kamakailan ay nagbungkal na naman ang Maynilad sa gitna ng daan dyan sa intersection sa ilalim ng Zapote overpass na nagdulot na naman ng panibagong sakit ng ulo sa mga dumadaan doon. Ni wala silang warning sign na may bungkalan blues pala sa lugar kaya’t pag napasok ka doon e nadothin ka na.
Hindi kaya pwedeng i-overtime yan para naman guminhawa na ang mga tao? Siyempre kapag natapos yan ng maaga mas maaga din silang makakapaningil. Ang masama lamang ay baka pagnakumpleto na ang proyekto na yan e matulad ang Maynilad sa Meralco at mga oil company na wala na yatang inisip kundi magtaas ng presyo.
Sana ay pagplanuhan din ng pamahalaan ng Las PI?as kung paano pang mapapaginhawa ang mga motorista sa siyudad. Malaking tulong ang Friendship route kaya lang ay may ibang subdivision namang nananamantala at ginagawang negosyo ang pagpasok sa kanilang mga village kung saan ay hindi ka papapasukin kung wala kang village sticker. Aba’y kamamahal ng sticker nila lalo na dyan sa BF Homes Para?aque na mahigit P1,000 yata ang bentahan.
Today’s pulpul-litiko special: Kung sa kapalpakan sa pagpili ng tao ang paguusapan ay talagang subok na itong si P’Noy. Bakit kamo? E sabit na naman kasi itong pinili nyang executive secretary na si Paquito Ochoa. Biulgar ng ABS na may malaking haybol pala ito dyan sa White Plains na hindi nakadiklara sa kanyang statement of assets and liabilities. Ang palusot ni ES ay hindi daw nakapangalan sa kanya ang sinasabing P40 milyon mansion. Ibig bagang sabihin nito ay lusot din sina General Garcia at Ligot dahil hindi sa kanila nakapangalan ang mga ari-ariang ibinibintang sa kanila.
Nauna rito ay si Customs Commissioner Lito Alvarez na nahuling nandaya ng iskor sa isang golf tournament. Sinundan ito ng pagkakasangkot sa jueteng scandal ni DILG undersecretary Rico Puno na nagka-instant amnesia nang busisiin ng mga senador kung sino ang sinasabi nyang mga taong humihingi ng kanyang proteksyon. Nandyan din si LTO head Torres na nasangkot naman sa carnapping, at siyempre kasama din sa kapalpakan ang mga communications expert kuno niya na wala yatang ginawa kundi ipahamak ang haciendero nating pangulo. Ang tanong e bakit walang nasisipa. #######
Recent Comments