Munti cracker ban, maraming umaray

By Rey V. Constantino (Reyklamador)

            Marami ang nagulat dahil mukhang hindi napag-aralan at naplantsa ng husto ang ipinatutupad ngayong firecracker ban sa Muntinglupa.  Bakit daw  kasi tila atrasado ang pagpapalabas nito. Lumabas umano ang utos ni Mayor Aldrin San Pedro nito lamang huling linggo ng Nobyembre.

            Hindi siguro naisip ni meyor na marami-rami ring negosyante  ng paputok ang napinsala ng pagbabawal niyang ito. Pati daw ang mga kababayan nating umaasang magkakaroon ng kayod ngayong kapaskuhan ay nadismaya din. Biglang naglaho ang kanilang pang-Noche Buena. Okey lamang daw sa kanila kaya lang sana ay inilabas kaagad ang orden.  Lumalabas kasing naperwisyo ni meyor ang mga nagbebenta ng paputok  na taon-taon ay namumuhunan ng daan-daang libong piso para kumita kahit man lang minsan isang taon.  Walang dudang maganda ang layunin ng alkalde pero sana naman ay pinag-aralan niyang mabuti ang timing ng ban.  May kaparapatan din naman ang mga negosyante at kanilang mga empleyado,  de vah?

Nakapamili at nag-imbak na raw ang mga ito ng mga ng paputok na hindi na yata maisauli sa kanilang pinagkunan kaya’t imbes na kumita, malaking lugi ang kanilang naging pamasko.  Balitang meron din daw na nakapag-down payment na sa mga malls at malalaking pwesto sa lungsod na maibalik man sa kanila ang kanilang DP ay malaki na ang kaltas.

            Sa nasabi na nga namin noon, hindi ban ang solusyon sa mga aksidenteng may kinalaman sa paputok taon-taon. Bakit paparusahan nila ang marami sa katangahan ng ilan. Baka kalaunan e sumunod na ang ibang mga siyudad  at hindi na ika nga pambihira o Pinoy style ang selebrasyon ng pagsalubong ng bagong taon dito sa Metro Manila. Pero sa tingin namain e mahirap, kung hindi man imposible, ang ipagbawal ang isang tradisyon.

            Mas maganda niyan ay gawin na lang ligtas ang paputok.  Mapapansin na halos lahat ng nadidisgrasya taon taon ay napuputukan sa kamay. Bakit di  na lang lagyan ng mga tangkay o hawakan ang mga paputok para di na hinawawakan pa? Kahit siguro lasing at mga batang pasaway ay magiging  ligtas sa kapahamakan. 

Tanga na lang siguro kung may madisgrasya man at kung meron mang mabibiktima ay hindi na masyadong matindi ang pinsala. Ito siguro ang dapat gawin ng gobyerno kung gusto nila talagang mabawasan ang mga firecracker casualty tuwing sasapit ang pagpapalit ng taon. 

             Sabi ng marami, parang ipinagbawal mo na ring sumikat ang araw kung gusto mong ipatupad ang  mga inutil na firecracker ban. Tama sila. Mas maganda kung ire-regulate at i-supervise na lang ang paggawa nito.   Wala naman kasing nakikinig. Ipagbawal man ang pagbebenta sa Munti sa ibang lugar naman bibili e di wala din. Sa mga pabrika dapat kontrolin.  

`At sino naman ang huhuli sa mga sumusuway e ultimong mga pulis ang promotor sa putukan?  At tsaka paano mo huhulihin ang mga nagsasaya sa loob ng mga subdivision na hindi man lang makapasok ultimong pulis?  At kapag hinuli mo naman lahat ng nagpapaputok e saan mo naman sila ikukulong sa dami? Kalokohan lamang ang firecracker ban.  Tila mission impossible yata ito.

            Tumpak si PNP Chief Raul Bacalzo.  Dapat ay magtalaga na lamang ng mga firecracker zone  upang ma-supervise ang mga nagpapaputok. Ang hulihin na lamang ay iyong nagpapasabog ng mala-bombang paputok  tulad ng mga Super Lolo, Bawang, Pla-pla, Bin Laden.at iba pang di na natin malaman ang pangalan.  Ito ang tinatawag na win-win situation. Hindi  na killjoy si mayor, tuloy pa ang tradisyong Pinoy.  Tulad ng mungkahi ni Bacalzo, baka pwedeng magtalaga na lamang ng mga firecracker zone sa Munti, mayor?  Maari na rin sigurong magbenta ng paputok dyan kahit ilang araw lamang bago mag-bagong taon? 

 

            Attn. Las Piñas Mayor Nene Aguilar:  inaangal ng car owners ang mga watch  your car boy dyan sa tapat ng Mercury Drug at South Star sa tapat ng Star Mall. Nananakot at nagagalit daw sila kapag P2.00 lang ang ibinibigay ng mga namimili doon. Ang iba daw ay ginagalusan ang sasakyan kapag nakipagtalo ang may-ari. Dapat sigurong palisin na lang ang mga mangingikil na ito, mayor. Abuso na sila.

 

Today’s pulitiko special:  Mukhang dininig din ni Bacoor Mayor Strike Revilla ang matagal nang panalangin ng mga residente along the Zapote overpass.  Pinatambakan na umano ng mayor ang mga lubak sa harap ng presinto ng Bacoor Traffic & Parking Management  na matagal na rin hinaing ng mga motoristang taga  Las Piñas.  TY, mayor.  Ilaw na lamang siguro ang kailangan doon upang maiwasan ang krimen sa lugar na talaga namang saksakan daw ng dilim sa gabi.  #######  

You may also like...