Paranaque Red Cross hailed

Maraming dahilan kung bakit masaya ang mga taga-Parañaque. Maliban sa pagiging malinis, maganda at progresibong siyudad nito, aktibong naglilingkod sa komunidad ang sangay ng Philippine Red Cross.
 
     Mula ng maitatag noong 2009, ang Parañaque Red Cross ay hindi pumalya sa pagresponde sa mga aksidente sa daan at pagbibigay ng tulong sa mga insidente ng sunog at pagbaha sa pagtama ng malalakas na bagyo.
 
     Sa talaan nito, ang P’que Red Cros ay dumalo sa 45 aksidente sa kalsada, 26 na sunog at 4 na malalakas na bagyo (kabilang ang Ondoy at Pepeng) at nagsagawa ng “First Aid (F/A)” at “Basic Life Support” (BLS); naghatid ng mga biktima sa ospital; nagsagawa ng “supplemental feeding”, “stress debriefing” at namahagi ng mga pagkain at  damit (relief goods) sa mga mamamayang naapektuhan ng kalamidad, sa pakikipagtulungan sa pamahalaang lungsod.
 
     Bilang kontribusyon sa pambansang pagkilos upang makakalap ng sapat na suplay ng dugo na esensyal sa pagliligtas ng buhay, ang Parañaque Red Cross ay nagsagawa ng 49 na “bloodletting activities” at nakalikom ng 1,128 bags ng dugo.
 
     Patuloy itong nagsasagawa ng pagsasanay sa “F/A and BLS” na isang kwalipikasyon sa mga nag-aaplay ng trabaho bilang “Company First Aider”, “Caregiver” at kahalintulad na propesyon at rekisito sa pagtatapos ng kursong B.S. Nursing at “OJT” ng mga “graduate nurse” at RN sa mga ospital.
 
     Kamakailan lamang, pinangasiwaan ng Parañaque Red Cross, kasama ang NDRRC-OCD, Pasig Rescue at Parañaque Emergency Response Unit (P.E.R.U.) ang “back-to-back training” hinggil sa kahandaan sa kalamidad na inorganisa ng pamahalaang lungsod para sa Parañaque Disaster Risk Reduction & Management Council (PDRRMC). Ang mga miyembro ng “barangay disaster brigades”, Bernabe Quick Response Team, kawani ng DepEd Parañaque at mga boluntir ng Parañaque Diocese ay nagsanay sa “F/A” at “BLS” samantalang ang mga namumuno sa iba’t-ibang dibisyon o komite ng PDRRMC at mga punong barangay ay nagsanay sa pagiging handa at sa pangangasiwa sa kalamidad.
 
     “Ang Red Cross ay mahalagang kabalikat ng pamahalaaang lungsod sa pagbabawas ng peligro, pagiging handa, pagresponde at pangangasiwa ng kalamidad. Tinatangkilik ng siyudad ang mga programa ng Red Cross tulad ng pagsuporta nito sa ating mga proyekto. Upang masustine nito ang pagtulong sa kapwa, kinakailangan din ng Red Cross ang suporta ng komunidad. Makatutulong ang mga mamamayan sa maraming simpleng pamamaraan kabilang ang pagbibigay ng donasyong pera, pagkain o lumang damit; pagiging “blood donor” o “Red Cross Volunteer”.  Hinihikayat ko ang lahat na tumulong dito at tanghaling mga buhay na bayani!”, pahayag ni Mayor Jun Bernabe.
 
      Ang Parañaque Red Cross ay pinamumunuan nina City Mayor Florencio Bernabe, Jr. (Honorary Chairman); P’que Fil-Chinese Fire Volunteer Association Founder Anson Ong (Chairman); Businessman Peter Dee (Vice-Chairman); Marilyn Bautista (Treasurer), Amalia Sahagun (Asst. Treasurer), Yolanda Arandia (Auditor), Board Members Ma. Estrellita Arceo, Councilor Benjo Bernabe, Angelito Mendoza, Dr. Arlyn Carabeo, Leslie Mata, Abundio Punsalan, Christopher Jazmin, Emmanuel Gatmaitan at Kristine Joy Laxamana Lara; Ex officio council members City Administrator/PDRRMC Vice-Chairman Nelson de Jesus, City Planning Officer/PDRRMC Action Officer Engr. Benigno Rivera, City Health Officer Dr. Olga Virtusio, P’que DSWD Head Dean Calleja, Public Information Officer Lloyd Palconan, Liga ng mga Brgy. President Teodoro Virata, Jr., P’que SK Federation Pres. Camille Manansala, CO 302nd  Battalion 15thID NCRRCDG Phil. Army Lt. Col. Mayo Mira, P’que Fire Chief F/Supt. Manuel Manuel at P’que Police Chief P/SSupt. Nestor Pastoral.                                                                                                            
 
     Ang naturang sangay ay pinamamahalaan ni Branch Administrator Jennifer de Guzman sa superbisyon ni Phil. Red Cross Rizal Chapter Administrator Geraldine Repollo.

You may also like...