Pedestrian overpass sa LP, sayang
Mr. Rey V. Constantino
Reyklamador/Taliba
Enero 13, 2011
Maliban sa Makati, ang Las Piñas lamang marahil ang siyudad sa Kalakhang Maynila na masasabing nating bukod tanging moderno ang mga pedestrian overpass. Bongga talaga dahil lahat ay may escalator na di dapat ismolin sapagkat umaandar sila mula umaga hanggang gabi. Lima ang ganitong overpass sa kahabaan ng Zapote-Alabang road na siyang pinaka-main street ng lungsod.
Noong itinayo ang mga nasabing overpass may ilang taon na rin ang nakalilipas, malaking papuri ang natanggap ng pamahalaang lokal. Tila hulog ito ng langit sa mga residenteng matatanda at may kapansanan na palaging nalalagay sa peligro tuwing tatawid sa Alabang-Zapote road na pugad ng mga rumaragasang dyipni at bus na minamaneho ng mga barumbadong drayber.
Hindi din umano uso sa mga dyip doon ang nagbubukas ng headlight sa gabi kaya nga ingat ang tao sa pagtawid. Bakit nga ba hindi hinuhuli ang mga luko-lukong drayber na ito?
Isa pa, malaking ginhawa din ang dulot ng mga overpass sa mga motorista. Bumibilis kasi ang daloy ng trapik kapag walang pasaway na mga jaywalker na bigla na lamang walang pakundangang sumusulpot patawid at di alintana ang mga dumarating na sasakyan. Kaya naman kung minamalas-malas ka’t may malalim na iniisip ay baka may ihatid ka pa sa ospital dahil makakabundol ka talaga kung hindi ka alerto sa pagmamaneho.
Napakaganda ng proyektong ito ni Las Piñas Mayor Vergel “Nene” Aguilar. Maraming Las Pinyerong natuwa at humanga sa kanya nang ipatayo niya ito. Bigla kasing napabilang ang lugar sa mga sosyal na siyudad ng Metro Manila. Noong panahong iyon, daig pa nito ang Quezon City na sinasabing Capital of the Philippines na napakalaki ng kinikita sa buwis.
Mga proyektong ganito ang isa sa mga dahilan kung bakit malakas at di mapalitan ang mga Aguilar sa LP. Ang problema nga lang ay tila nasasayang ang malaking perang ginugol ni mayor sa mga istrakturang ito. Pwera doon sa harapan ng SM Southmall, kapansin-pansin kasing tila wala nang masyadong gumagamit ng mga overpass lalo na daw dyan sa tapat ng Uniwide. Katunayan ay nabubulok na din daw ito dahil sa walang nagaasikaso kaya naman dating gawi muli at nakikipagpatintero na naman ang mga pedestrian sa mga humahagibis na sasakyan tuwing tatawid.
Ganito din daw ang eksena sa Zapote kaya naman bumabagal ang trapik lalo na kung oras ng pasukan o uwian. Nabagsakan din ang mga pedestrian doon ng katam(aran) kaya’t ayaw nang pumanhik sa overpass. Ang masama e imbes na pagsabihan ng mga trapik aide na gumamit ng overpass e sila pa mismo ang pumipigil sa mga sasakyan upang makatawid ang mga batugan. Resulta, more traffic!
Maganda siguro kung matuturuan ng kahit na kunting disiplina ang ating mga kababayan diyan sa LP para naman umayos ang kanilang lungsod. Isa pa ay para din nilang hindi binibigyang halaga ang pagsisikap ng pamahalaang lokal upang maging maganda ang imahe ng siyudad. Baka nalilimutan nilang sa mga residente rin nagmula ang iginugol dito kaya naman sana gawin nila itong kapaki-pakinabang.
Tutal naman ay nasa Las Piñas na tayo, baka naman gustong bigyang pansin din ni mayor ang hinaing ng mga car owner dyan sa tapat ng Mercury Drug at South Star sa harapan ng Star Mall. Inire-reklamo nila ang mga watch-your-car boy sa lugar dahil nagagalit ang mga ito kapag maliit ang bigay ng mga motorista e kung tutuusin ay hindi naman sila dapat bayaran. Natatakot daw sila tuloy pumarada doon. Isa pa, balitang may bahay namang nilooban sa loob ng Philam Village noong nakaraang Disyembre. Hindi ba may nabudol-budol din sa village na ‘yan noong isang buwan din? Baka pwedeng rondahan ito ng mga pulis paminsan-minsan.
Today’s pulitiko special: Hindi daw prayoridad kay P’Noy ang charter change. Tama siya. Mas maganda siguro kung i-change na lang niya muna ang mga palpak niyang cabinet member na nagkakalat, tulad ni Energy Sec. Rene Almendras, Customs Commissioner Lito Alvarez, Exec. Sec. Jojo Ochoa at Communications something something na si Ricky Carandang. #######
Recent Comments