Swedish national timbog sa P5-M halaga ng shabu

Ni Ricky Tulipat at Danilo Garcia (Pilipino Star Ngayon) | Updated January 14, 2013 – 12:00am

 

MANILA, Philippines – Isang Swedish National ang naaresto sa pinagsanib na tropa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) matapos makuhanan ng shabu na nagkakahalaga ng P5 milyon sa isinagawang buy-bust operation sa Parañaque City, kamakalawa.

 

Photo by Mark Zambrano of GMA News

 

Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang naarestong dayuhan na si Bjarne Schelin, 65, retiradong marine engineer na nakapag-asawa ng Filipina at residente ng 1EB Annex 38 sa Parañaque City.

Ayon kay Cacdac, base sa ulat na isinumite sa kanya ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nabatid na si Schelin ay nanatili sa bansa sa mahigit sa 25 taon at umano’y miyembro ng isang transnational drug trafficking syndicate na umakto nilang isang local distributor mula sa sources nito sa Thailand, China, Laos, Cambodia, Myanmar at Malaysia.

Ganap na alas 11:30 ng umaga nang maaresto ng PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR) sa pamumuno ni Director Wilkins Villanueva at Parañaque City Police Office Station 9 ang suspek sa isinagawang buy-bust operation sa Manuel Quezon Street, Malacañang Village, Barangay San Antonio, Parañaque City.

Dito ay napagkasunduan ng suspect at poseur-buyer ng PDEA na magpalitan ng items, kung saan nang iabot ni Schelin ang isang malaking plastic bag na naglalaman ng tinatayang isang  kilogram na shabu sa una ay saka ito dinamba ng mga nakaantabay na operatiba.

Tinatayang may isang kilo ng hinihinalang iligal na shabu ang nakumpiska kay Schelin sa naturang operasyon.

Hawak na ng PDEA ang suspect at nakumpiskang ebidensya habang nagsasagawa pa ng dagdag na imbestigasyon upang mabatid ang sindikatong kinaaaniban ng suspect at lawak ng operasyon. Sinampahan na ng kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 si Schelin.

Samantala, huli din ang isang  babaeng Thai national sa isinagawang anti-drug ­operation ng Taguig City Police kamakalawa ng hapon sa naturang lungsod.

Dakong alas 5 ng hapon ng dakpin si Anna P. Roengsamran, 40-ng#164-E Manalo Apartment, Holy Family Village, Bagum­bayan, Taguig matapos na magpositibo ang surveillance operation  laban dito.

Isang asset ng pulisya ang nagpanggap na buyer kung saan dinakma ang suspect makaraang tanggapin ang marked money.

Nakumpiska sa dayuhan ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Sa rekord ng pulisya,una na ring naaresto at naipakulong ang Pilipinong mister ng Thailander dahil sa iligal na droga.

You may also like...